Triple kamas ang isinagawa ng mga awtoridad matapos makumpiska ang tinatayang P3.04 milyong halaga ng mga puslit na sigarilyo at mahatak ang tatlong sasakyang ginamit sa pagbibiyahe nito sa magkakahiwalay na anti-smuggling operations sa lungsod na ito nitong Hunyo 23 at 24, 2026.

Pinangunahan ng Iligan City Police Office (ICPO), katuwang ang Bureau of Customs (BOC), ang sunod-sunod na pagsisiyasat kung saan unang naharang sa border control sa Barangay Dalipuga ang isang Isuzu Elf truck na naglalaman ng 30 master cases ng “Modern” brand cigarettes na nagkakahalaga ng P1.2 milyon at itinago sa mga sako ng luya.

Sa ikalawang operasyon sa kaparehong araw, isa pang delivery truck ang hinarang matapos lagpasan ang inspeksyon, kung saan nadiskubre ang karagdagang P1.2 milyong halaga ng mga puslit na sigarilyo na itinago naman sa ilalim ng mga produktong agrikultural, dahilan para arestuhin ang dalawang lalaking suspek na may edad 45 at 49.

Samantala, ang huling bulto ng kontrabando na nagkakahalaga ng P640,000 ay nabisto naman sa loob ng isang inabandunang puting Toyota Land Cruiser V8 matapos magsagawa ng hot pursuit operation ang SWAT at mga operatiba kasunod ng ulat ng isang hit-and-run incident sa Barangay Tubod.

Lahat ng mga nasamsam na iligal na sigarilyo at mga nakumpiskang sasakyan ay itinala at ipinasakamay na sa kaukulang kustodiya ng BOC para sa forfeiture proceedings, habang patuloy ang paghihigpit ng mga otoridad sa mga checkpoint laban sa mga sindikatong gumagawa ng economic sabotage sa rehiyon.