Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine National Police ang tinatayang Php4.4 milyong halaga ng mga umano’y smuggled na sigarilyo at naaresto ang tatlong suspek sa isinagawang anti-illegal trade operation sa Barangay Matling, Malabang, madaling araw ng Hunyo 6, 2026.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, nagsagawa ng checkpoint operation ang mga otoridad na nagresulta sa pagharang sa tatlong sasakyan na naglalaman ng malalaking kargamento ng sigarilyo.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang mga sasakyan ay galing sa Barangay Picong at patungong Marawi City nang sila ay pinara para sa routine inspection. Sa inspeksyon, nadiskubre ang iba’t ibang kahon at reams ng sigarilyo na hinihinalang ipinuslit sa bansa.

Kabilang sa nakumpiska ang humigit-kumulang 700 reams ng isang brand, 1,800 reams ng menthol cigarettes, at 3,000 reams ng isa pang variant, na may kabuuang halagang Php4,400,000.

Kasunod nito, dinala sa kustodiya ng pulisya ang tatlong suspek at kasalukuyang sumasailalim sa dokumentasyon at legal na proseso. Ihahain ang kaukulang kaso sa koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno, habang ang mga nakumpiskang produkto ay isinuko sa Malabang Municipal Police Station para sa inventory bago ipasa sa Bureau of Customs.

Pinasalamatan ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga operatiba sa mabilis at koordinadong aksyon laban sa smuggling, at iginiit ang patuloy na kampanya ng ahensya kontra ilegal na kalakalan.

Giit ng PNP, magpapatuloy ang mas pinaigting na operasyon sa buong bansa bilang bahagi ng kampanya para sa mas ligtas at mas maayos na komunidad sa ilalim ng programang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas.”