Nasamsam ng mga awtoridad ang mga sigarilyong pinaghihinalaang ilegal na nagkakahalaga ng P401,100 mula sa isang Ceres bus na biyaheng Bacolod City sa isinagawang operasyon sa Ipil, Zamboanga Sibugay noong Linggo, Oktubre 18.

Pinangunahan ng Zamboanga Sibugay Maritime Police Station ang operasyon dakong ala-una ng hapon sa Barangay Don Andres, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya at ang Philippine Tobacco Institute.

Nadiskubre sa compartment ng bus ang ilang kahon ng sigarilyong umano’y walang kinakailangang graphic health warning label.

Batay sa paunang imbestigasyon, dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal ang nagkarga umano ng mga sigarilyo sa Barangay Quinipot, Zamboanga City, at nakatakdang kunin ang mga ito ng isa pang hindi pa nakikilalang indibidwal pagdating ng bus sa Bacolod City.

Wala pang naiuulat na naaresto kaugnay ng insidente, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga taong sangkot at ang pinagmulan ng mga nasamsam na sigarilyo.