Apat na indibidwal ang naaresto matapos masabat ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army ang dalawang wing van truck na kargado ng tinatayang 1,488 master cases ng pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P63.66 milyon sa Madalum, Lanao del Sur noong Hulyo 19.

Ayon sa PNP, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang militar hinggil sa pagdaan ng mga naturang sasakyan. Agad na hinarang ang dalawang truck at isinailalim sa inspeksyon, kung saan natuklasan ang 800 master cases ng Modern cigarettes sa isang truck at 688 master cases ng Modern at Englishman cigarettes sa isa pa. Nabatid din na patungo umano sa Marawi City ang naturang kargamento.

Matapos ang inspeksyon, maayos na naidokumento, namarkahan at isinailalim sa imbentaryo ang mga nakumpiskang sigarilyo bilang ebidensya. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga naarestong suspek dahil sa umano’y paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Graphic Health Warnings Act.

Pinuri naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at iginiit na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa smuggling upang maprotektahan ang ekonomiya, mga lehitimong negosyo, at kapakanan ng publiko.

Tiniyak din ng PNP na magpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang mapigilan ang pagpasok at transportasyon ng mga smuggled na produkto sa bansa.