Tinatayang aabot sa P68-milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang checkpoint operation sa kahabaan ng national highway sa Barangay Buenavista, Pagadian City nitong Martes, April 28.

Nasabat ang kontrabando matapos parahin ng mga operatiba ang isang modified tricycle sa kasagsagan ng pagpapatupad ng Oplan Sita, anti-carnapping operations, at iba pang law enforcement activities.

Kinilala ang drayber na si Jomar, residente ng Esteros Street, Cotabato City. Nabigo itong makapagpakita ng Certificate of Registration o CR ng sasakyan, dahilan upang agad itong ma-impound.

Sa isinagawang masusing inspeksyon at imbentaryo, nadiskubre ng mga awtoridad ang isang tagong compartment sa ilalim ng passenger seat ng tricycle.

Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang mga pulis sa Philippine Drug Enforcement Group at Philippine Drug Enforcement Agency para sa beripikasyon at tamang pagproseso ng mga nakumpiskang ebidensya.

Sa isinagawang inventory na dinaluhan ng mga kinatawan ng media at mga opisyal ng barangay, natuklasan ang sampung pakete ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na P68 milyon.

Nasa kustodiya na ng PDEG ang mga nakumpiskang iligal na droga para sa kaukulang disposisyon, habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan at posibleng destinasyon ng kontrabando.

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang insidente sa mas malawak na operasyon ng mga sindikato ng iligal na droga.