Nagsampa ng kasong damages and attorney’s fees sina MP Suwaib L. Oranon, MP Dan S. Asnawie, at Commander Mohidin M. Usman laban kay Haron Suraik Budzal sa Regional Trial Court (RTC), 12th Judicial Region, Cotabato City.

Matatandaang si Budzal ang naghain ng naunang petisyon laban kina Oranon, Asnawie, at Usman sa Commission on Elections (COMELEC) na humihiling na ma-disqualify ang tatlong nominado ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) para sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections. Ang nasabing petition ay kalaunang ibinasura ng COMELEC First Division dahil umano sa kawalan ng sapat na batayan at hindi pagsunod sa itinakdang requirements at form ng petisyon.

Kasunod ng pagkakabasura ng kaso, dumulog naman sa RTC sina Oranon, Asnawie, at Usman upang humingi ng danyos at attorney’s fees kaugnay ng umano’y pinsala at gastusing idinulot sa kanila ng naunang petisyon.

Umaabot umano sa P7.3 milyon ang kabuuang damages at iba pang halagang hinihingi ng tatlong plaintiffs laban kay Budzal sa isinampang civil case.

Ang paghahain ng complaint ay hindi pa nangangahulugan na may pananagutang sibil na si Budzal. Ang mga alegasyon at hinihinging danyos ay kinakailangan pang patunayan at pagpasiyahan ng hukuman.

Samantala, hinihintay pa ang pagbibibay ng panig ni Budzal.