Dalawang piloto ng Philippine Air Force ang nasawi matapos bumagsak ang sinasakyan nilang SF-260 trainer aircraft sa masukal na bahagi ng Sitio Cabuyao, Poblacion, Tuba, Benguet kahapon May 20, 2026, habang nasa training flight sa ilalim ng Military Pilot Training program.

Kinilala ang mga nasawi na sina First Lieutenant Ruth Angelique R. Pasos at Second Lieutenant Cherky E. Embudo, na parehong idineklarang dead on arrival nang dalhin sa Buguio General Hospital, batay sa nakalap na impormasyon.

Sakay ng SF-260 trainer aircraft na may plane number 10-39 ang dalawang piloto nang mangyari ang insidente bandang 10:20 ng umaga.

Sa hiwalay na pahayag, nagpahatid ng pakikiramay ang Philippine Air Force sa naiwang pamilya, kaibigan, at kapwa airmen ng dalawang piloto. Ayon sa PAF, ang kanilang katapangan, dedikasyon, at serbisyo ay mananatiling inspirasyon ng mga susunod na henerasyon ng mga sundalong panghimpapawid.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagbagsak ng aircraft.