Binigyang-diin ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua na ang pinakamahalagang pamana ng isang lider ay hindi lamang nasusukat sa mga naitayong imprastraktura kundi sa pagkakaisa ng mamamayan at pagbuti ng kanilang kalagayan sa buhay.
Sa isinagawang Unity Meeting sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City ngayong Sabado, June 20, sinabi ni Macacua na isa sa kanyang pangunahing hangarin bilang pinuno ng rehiyon ang mapalalim ang pagkakaunawaan at pagkakaisa ng mga Moro sa buong Bangsamoro.
Ayon sa kanya, mas mahalaga ang mga pagbabagong direktang nararamdaman ng mga mamamayan, partikular ang pag-unlad ng kanilang kabuhayan at kalidad ng pamumuhay, kaysa sa mga pisikal na proyektong maiiwan ng isang administrasyon.
Dinaluhan ang pulong ng mga gobernador ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, gayundin ng ilang alkalde mula sa iba’t ibang bayan ng Maguindanao, upang talakayin ang mga prayoridad na pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Kabilang sa mga tinalakay ang usapin ng public safety, pagpapaunlad ng mga kalsada at terminal, pagpapahusay ng mga pasilidad ng madrasah, at pagpapatupad ng mga programang pabahay para sa mga komunidad.
Layunin ng pagpupulong na higit pang palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng Bangsamoro Government at mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyo at pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran.
Iginiit ni Macacua na mahalaga ang pagkakaisa ng mga lokal na opisyal at ng pamunuan ng BARMM upang maisulong ang mga programang magdudulot ng pangmatagalang benepisyo sa mamamayang Bangsamoro.

















