Ayon kay Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr., ang pagpapalit ng liderato sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay sumusunod sa diwa at nilalaman ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at Bangsamoro Organic Law (BOL).

Sa ginanap na Iftar kasama ang 19 na Base Commanders ng MILF, tinalakay ang transition ng pamumuno at pagpapatuloy ng Normalization Program.

Matapos magbitiw si dating Interim Chief Minister Ahod Ebrahim upang pagtuunan ang parating na halalan sa Oktubre 2025, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Abdulraof Macacua bilang bagong Interim Chief Minister noong Marso 12.

Nagpahayag ng pasasalamat ang mga MILF commanders kay Ebrahim at buong suporta naman kay Macacua, na kinilala nilang lider na kaagapay sa kanilang pakikibaka.

Sinabi rin ni Galvez na ang darating na halalan ay katuparan ng Political Track ng kapayapaang kasunduan, kung saan ang mga mamamayan ng Bangsamoro ay unang beses na pipili ng kanilang mga opisyal.

Nanumpa rin ang bagong miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa harap ni ICM Macacua. Nanawagan siya ng tapat na paglilingkod para sa kapakanan ng Bangsamoro.

Ipinahayag din ni Galvez ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa kapayapaan at inaasahang pagdiriwang ng ika-11 anibersaryo ng CAB sa Marso 27.