Ipinaliwanag ni MP Atty. Naguib Sinarimbo, spox ng Bangsamoro Federalist Party na mahalagang plataporma ang federalism upang higit pang maisulong ang implementasyon ng ilang bahagi ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB na umano’y hindi ganap na maisasakatuparan sa ilalim ng kasalukuyang institutional framework.
Ito ang naging pahayag ni Sinarimbo sa panayam ng 93.7 Star FM Cotabato noong Mayo 7, 2026, kasabay ng huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga district representatives para sa nalalapit na parliamentary elections sa Bangsamoro region.
Sa naturang panayam, ipinaliwanag ng mambabatas na hindi maaaring maging affiliate ng isang national political party ang regional parliamentary political party sa Bangsamoro dahil taliwas umano ito sa umiiral na batas.
Ayon pa kay Sinarimbo, layunin ng Bangsamoro Federalist Party na itulak ang mga polisiya at repormang magpapalakas sa regional governance at magpapatuloy sa pagsusulong ng mga layunin ng peace process sa rehiyon.
Dagdag nito, mahalaga rin umano ang pagkakaroon ng maayos na koordinasyon sa pambansang pamahalaan upang mapabilis ang implementasyon ng mga programang pangkaunlaran para sa mga komunidad at dating combatants sa BARMM.
Samantala, patuloy naman ang paghahanda ng iba’t ibang partido pulitikal para sa kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon na itinakda sa Setyembre ngayong taon.

















