Opisyal nang sinimulan ng Bangsamoro Youth Commission (BYC) ang pagdiriwang ng International Youth Day (IYD) 2026 sa Bangsamoro Autonomous Region sa pamamagitan ng Qur’an Reading Competition na ginanap kahapon Agosto 5 sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa Cotabato City.
Dinaluhan ang kompetisyon ng 30 markadz mula sa Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Cotabato City, at Special Geographic Area (SGA), kung saan ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang husay sa pagbigkas ng Banal na Qur’an habang isinusulong ang pagpapahalaga sa pananampalatayang Islam at pagpapatibay ng ugnayan ng kabataang Bangsamoro sa banal na aklat.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni BYC Chairperson Nasserudin D. Dunding ang mga kabataan na ipagpatuloy ang pag-aaral, pag-unawa at pagsasabuhay ng mga aral ng Banal na Qur’an. Aniya, mahalaga ang pananampalataya, kaalaman at mabuting asal sa paghubog ng mga kabataang magiging katuwang sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng kapayapaan sa Bangsamoro.
Tinanghal na kampeon si Saleh Taha AbdulKahar ng Ma’had Ubay Bin Ka’ab Qur’anic Institute Inc., habang naging first runner-up si Za-Yed Omar Balutintik ng Ma’had Imam Ibn Al-Jazarie Lil-Qur’an Wassuna. Nakuha naman ni Walid Mama Pungan ng Markadz Ebrahim Al-Islamie Religious Instruction School Inc. ang ikalawang puwesto.
Pangatlong runner-up si Talha Esmael Guinaid ng Markadzul Ershad Lil-Qur’anil Kareem, habang ikaapat na runner-up si Hassanudden Omar Ali ng Maqaari Assayed Ahmad Tucao Mastura Lil-Qur’an Al-Kareem.
Tumanggap ng cash prizes na P10,000, P8,000, P7,000, P6,000 at P5,000 ang limang nangungunang kalahok bilang pagkilala sa kanilang kahusayan sa pagbigkas at dedikasyon sa pag-aaral ng Banal na Qur’an.
Nagbigay rin ng mensahe sina Abdul Muizz Canacan Adtud at Ustadh Mas Od Mohammad Ali Lantong, na kapwa nagpahayag ng kahalagahan ng paghubog sa kabataang Bangsamoro na nakabatay sa mga aral ng Qur’an.
Bahagi ang aktibidad sa linggong pagdiriwang ng International Youth Day 2026 na may temang “Different Contexts, Common Aspirations,” na nagbibigay-diin sa iisang mithiin ng mga kabataan sa kabila ng magkakaibang pinagmulan at karanasan.
Magtatapos ang selebrasyon sa Agosto 12 sa idaraos na ika-7 State of the Bangsamoro Youth Address (SOBYA) 2026, kung saan ilalahad ng BYC ang kalagayan ng sektor ng kabataan, mga naging tagumpay ng komisyon, at mga susunod na hakbang para sa mas mapayapa, inklusibo at maunlad na Bangsamoro.

















