Naghahanda na ng konkretong hakbang ang pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, kasunod ng tensyon sa Middle East.
Batay sa datos ng Department of Energy, ipinatupad noong March 24 ang panibagong dagdag-presyo sa produktong petrolyo kung saan umakyat ng P6.47 kada litro ang gasolina, P11.88 ang diesel, at P13.66 naman ang kerosene matapos pa ang mas matinding pagtaas noong nakaraang linggo.
Dahil dito, agad ipinag-utos ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua ang pagpupulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno noong March 24 hanggang 25 upang bumuo ng contingency plan laban sa epekto ng oil price hike.
Pinangunahan ng Bangsamoro Disaster Risk Reduction and Management Council o BDRRMC ang koordinasyon kung saan inatasan ang mga ahensya na magsumite ng kani-kanilang programa at hakbang para matulungan ang mga apektadong sektor.
Kabilang sa mga nakikitang solusyon ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga transport group, pagpapatupad ng libreng sakay para sa mga commuter, at pagpapalawak ng ayuda sa mga magsasaka at mangingisda.
Samantala, tiniyak naman ng Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy na nananatiling sapat ang suplay ng langis sa rehiyon at hinikayat ang publiko na huwag basta maniwala sa mga kumakalat na balita ukol sa kakulangan ng suplay.
Ayon kay Bangsamoro READi head Muhammad Farzieh Abutazil, bagamat limitado ang kontrol ng rehiyon sa pandaigdigang presyo ng langis, nakatuon ang pamahalaan sa pagpapagaan ng pasanin ng mamamayan.
Dagdag pa nito, aktibo ang partisipasyon ng mga ahensya sa pagbuo ng agarang solusyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

















