Kinondena ng lokal na pamahalaan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, ang pamamaril sa punong barangay ng Dinaig Proper na si Ahmad Ali Jabedin sa Crossing Awang, Barangay Awang, dakong alas-3:50 ng hapon kahapon, Oktubre 20.
Ayon sa pahayag ng LGU, nagtamo si Jabedin ng gasgas na sugat mula sa bala sa naturang insidente.
Hinimok ng lokal na pamahalaan ang Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, Philippine Army at iba pang kinauukulang ahensiya na magsagawa ng masusing at patas na imbestigasyon upang matukoy ang mga suspek at panagutin ang mga ito sa ilalim ng batas.
Binigyang-diin din ng LGU na ang ganitong karahasan ay nagdudulot ng pangamba sa kaligtasan ng mga mamamayan at hindi dapat magkaroon ng puwang sa komunidad.
Samantala, nagpahayag ng pakikiisa ang lokal na pamahalaan kay Jabedin at sa kanyang pamilya habang nananawagan ng hustisya at pananagutan sa mga nasa likod ng pamamaril.

















