Katarungan at pananagutan ang mariing panawagan ng mga pamilya nina Seaman Second Class (SN2) Reniel Agpalo at Apprentice Seaman (ASN) Louther John Vitor, ang dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasawi sa pamamaril sa Roman Vilo Street, Poblacion 6, Cotabato City, ngayong Huwebes, Oktubre 22, 2026.
Sa gitna ng matinding pagdadalamhati, umaapela ang mga naiwang pamilya na mabigyang-linaw ang pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay at mapanagot ang mga taong nasa likod ng krimen.
Para sa kanila, hindi lamang pagluluksa ang kanilang kinakaharap, kundi pati ang paghihintay sa katotohanan at katarungang nararapat para sa mga nasawi.
Kapwa nasawi sina Agpalo at Vitor, isang residente ng Butuan City, matapos silang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek habang sakay ng isang sasakyan kasama ang kanilang station commander.
Batay sa mga ulat, patungo sa kanilang himpilan ang mga tauhan ng PCG nang pagbabarilin sila ng mga armadong suspek na agad tumakas matapos ang insidente.
Hindi naman nasaktan ang kanilang station commander.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa likod ng pamamaril.
Inaalam din kung may kaugnayan sa kanilang tungkulin bilang mga tauhan ng PCG ang naturang pag-atake.
Sa kabila ng matinding sakit na iniwan ng trahedya, nananatiling umaasa ang mga pamilya ng mga nasawi na hindi mababaon sa limot ang sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.
Hiling nilang mahanap ang mga responsable, mapanagot ang sinumang mapatutunayang sangkot, at makamit ang hustisya para sa dalawang lingkod-bayan na nasawi.

















