Nanawagan ng hustisya at agarang aksyon sa pamahalaan ang pamilya ng isang Pinoy seafarer mula sa South Cotabato na kabilang sa mga tripulanteng sakay ng nasunog na barko sa Strait of Hormuz.
Kinilala ang nawawalang seafarer na si 3rd Engineer Erby Garcesa Andayran, residente ng Barangay Sta. Cruz, matapos ang insidenteng kinasangkutan ng barkong Minoan Pioneer noong Agosto 3, 2026.
Ayon sa pamilya, si Andayran na lamang ang natitirang nawawalang tripulante matapos ang insidente, at patuloy pa ring hinihintay ang kaniyang pagkakatagpo.
Sa naging video call ng pamilya noong Agosto 8, napag-alaman umano nilang tatlong beses nang sinubukang iligtas si Andayran ngunit hindi ito naisagawa dahil sa tindi ng apoy na tumupok sa barko.
Ayon pa sa pamilya, sinabi umano ng kapitan na napilitan itong i-activate ang CO2 fire suppression system sa kabila ng hindi pa ganap na natitiyak kung ligtas na nakalabas ang lahat ng tripulante.
Dahil dito, kinuwestiyon ng pamilya ang naging desisyon ng kapitan at iginiit na dapat munang matiyak na wala nang taong naiwan sa loob bago gamitin ang naturang sistema.
Para sa mga kaanak ni Andayran, mahalagang maimbestigahan nang mabuti ang nangyari at matukoy kung may pagkukulang o paglabag sa mga itinakdang safety protocol na maaaring nakaapekto sa pagkakataong mailigtas ang kanilang mahal sa buhay.
Nais din ng pamilya na malaman kung bakit ilang araw na ang lumipas mula nang mangyari ang insidente ngunit nagpapatuloy pa rin ang sunog sa barko at hindi pa rin natatapos ang retrieval operation.
Kaugnay nito, humingi na ng tulong ang pamilya kay South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo Jr., na nagpahayag ng suporta sa kanilang panawagan.
Umaasa naman ang pamilya na aaksyunan din ng pambansang pamahalaan, kabilang ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kanilang apela upang mapabilis ang search, rescue at retrieval operations para sa nawawalang seafarer.
Patuloy namang hinihintay ng pamilya ang anumang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Andayran, habang umaasa silang magkakaroon ng malinaw na sagot at hustisya para sa kanilang mahal sa buhay.

















