Umani ng kontrobersiya si Moro Islamic Liberation Front (MILF) Peace Implementing Panel Chair Mohagher Iqbal matapos siyang akusahang umano’y nakikialam sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) at nagsusulong ng mga hakbang na maaaring makaapekto sa pagsasagawa nito.

Sa mga ulat na lumabas sa ilang online platforms at opinion columns, iniuugnay si Iqbal sa mga legal na hakbang na naglalayong kuwestiyunin ang ilang batas na may kaugnayan sa redistricting sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kabilang ang districting law na ipinasa ng Bangsamoro Parliament.

Anila, ang mga naturang hakbang ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon na nakatakdang isagawa sa Setyembre 14, 2026.

May mga pananaw ding nagsasabing kung hindi matutuloy ang halalan, mananatili sa puwesto ang mga itinalagang opisyal sa halip na mailipat ang kapangyarihan sa mga halal na kinatawan ng mamamayan.

Iniugnay rin ng ilang ulat ang usapin sa naging kontrobersiya sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE), kabilang ang isyu ng umano’y P2.2 bilyong pondo para sa edukasyon at ang naging pagtanggal kay Iqbal bilang pinuno ng naturang ministeryo.

Samantala, mariing itinanggi ni Iqbal ang mga akusasyon at sinabing bahagi lamang ang mga ito ng tinawag niyang “black propaganda.”

Iginiit niya na suportado nila ang pagsasagawa ng halalan at aniya, malinaw itong makikita sa mga paghahanda ng kanilang partido para sa unang BARMM parliamentary elections.

Ayon kay Iqbal, hindi masama ang paggamit ng mga legal na remedyo upang kuwestiyunin ang mga batas na pinaniniwalaan nilang may pagkukulang o dapat pang masuri.

Aniya, karapatan ng bawat mamamayan na magpahayag at magsulong ng mga hakbang upang maitama ang anumang nakikita nilang mali sa proseso.

Partikular niyang binanggit ang isyu ng redistricting sa Lanao del Sur, na ayon sa kanya ay dapat pang masusing pag-aralan.

Kaugnay naman ng kanyang pagkakatanggal bilang minister ng MBHTE, sinabi ni Iqbal sa isang personal na pahayag na hindi niya ito tinitingnan bilang isang pagkalugmok kundi bilang isang pagkakataong makalaya mula sa mga sitwasyong aniya’y naging mabigat para sa kanya.

Iginiit din niya na sa huli ay lalabas ang katotohanan at mananaig ang katarungan.

Sa ngayon, nananatiling usapin sa publiko ang magkakaibang pananaw hinggil sa redistricting at sa paghahanda para sa nalalapit na parliamentary elections sa Bangsamoro.