Pansamantalang ipinatupad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa pamamagitan ng Office of the Chief Minister, ang pagsuspinde ng jogging at iba pang recreational activities sa loob ng Bangsamoro Government Center, batay sa inilabas na public advisory.
Ayon sa abiso ipinatupad ang suspensyon bilang bahagi ng pinaigting na security measures at paghahanda sa nalalapit na paghahain ng kandidatura para sa kauna-unahang BARMM Parliamentary Election 2026.
Nakasaad sa advisory na simula pa noong Abril 26, 2026, pansamantalang ipinagbabawal ang lahat ng jogging at iba pang gawaing panglibangan sa loob ng nasabing lugar at mananatili itong epektibo hanggang sa susunod na abiso.
Pinayuhan ang lahat ng empleyado, bisita, at publiko na mahigpit na sumunod sa ipinatutupad na kautusan. Inatasan naman ang mga security personnel na tiyaking maayos na naipatutupad ang direktiba upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lugar.
Samantala, hinihiling ng pamahalaan ang pang-unawa at kooperasyon ng publiko habang isinasagawa ang mga hakbang para sa isang ligtas at maayos na eleksyon sa rehiyon.

















