Naglabas ng abiso ang Metro Cotabato Water District (MCWD) hinggil sa pansamantalang water service interruption na mararanasan sa ilang lugar sa Maguindanao del Norte at Cotabato City.

Ayon sa MCWD, magsisimula ang pagkaantala ng suplay ng tubig mula alas-10:00 ng gabi ng Mayo 7, 2026 hanggang alas-3:00 ng madaling araw ng Mayo 8, 2026. Inaasahan ang low pressure hanggang sa tuluyang pagkawala ng tubig sa nasabing oras.

Isasagawa ang interconnection ng 4-inch uPVC pipe papunta sa 20-inch steel pipe sa bahagi ng Barangay Limbo (Crossing Pinaring), Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte. Dahil dito, kinakailangang pansamantalang isara ang mga balbula upang maisagawa ang proyekto.

Kabilang sa mga maaapektuhang lugar sa Sultan Kudarat ang mga barangay ng Macaguiling, Salimbao, Dalumangcob, Bulalo, Calzada, Banubo, at Gang. Samantala, sa Cotabato City, maaapektuhan ang College/ND Avenue, Kalanganan MB (Bucana), Town area, Supermarket area, Bagua, Lugay-lugay, Dapdap, Tukananes, at Datu Siang.

Ayon sa MCWD Engineering Team, sisikapin nilang matapos agad ang nasabing aktibidad upang maibalik kaagad ang normal na suplay ng tubig.

Hinihiling naman ng MCWD ang pang-unawa at pakikipagtulungan ng publiko sa pansamantalang abalang dulot ng naturang proyekto.