Naglabas ng abiso ang Metro Cotabato Water District (MCWD) hinggil sa pansamantalang pagkawala ng suplay ng tubig sa ilang lugar ngayong araw, Abril 14, 2026 (Martes).
Ayon sa anunsyo, nakararanas ng temporary water service interruption o kawalan ng tubig ang mga residente sa mga barangay ng Rosary Heights 2, Rosary Heights 3, Rosary Heights 4, Rosary Heights 5, Poblacion MB, Poblacion 2, Poblacion 3, Poblacion 4, Poblacion 8, Tamontaka 2, Tamontaka 3, Tamontaka 4, at Tamontaka 5.
Sanhi nito ang patuloy na shutdown ng Biniruan Bulk Water Supply Plant na pinapatakbo ng Hanabana Construction and Equipment Corp. dahil sa mataas na antas ng alat ng pinagkukunan ng tubig. Ipinaliwanag ng MCWD na dulot ito ng matinding init ng panahon at matagal na kawalan ng ulan mga salik na hindi nila kontrolado.
Sa kabila nito, tiniyak ng MCWD na patuloy na umaandar sa buong kapasidad ang kanilang mga pumping station, kabilang ang Macaguiling Bulk Water Supply Plant, upang makatulong sa suplay ng tubig.
Upang maibsan ang kakulangan, binuksan din ang ilang valves sa mga lugar tulad ng Tamontaka, Malibakao, Papa 2, at Jose Lim. Nakikipag-ugnayan din ang MCWD sa mga apektadong barangay para sa iskedyul ng water delivery, katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Fil-Chinese Volunteer Fire Brigade.
Humihingi ng pang-unawa ang MCWD sa mga residente habang patuloy nilang tinutugunan ang nasabing problema.

















