Matapos ang isang coordinated operation noong Pebrero 9, 2026, sa Zone 6, Sitio Manlauyan, Barangay Gango, nasugpo ang ilegal na pagmimina sa Libona. Ayon sa ulat, nasakote ang pitong Chinese nationals at nakuha ang milyon-milyong halaga ng copper ore, kasama ang malalaking mining equipment tulad ng dump trucks, backhoes, generator sets, at processing plants.

Natuklasan din ang isang malawak na underground tunnel para sa pagmimina at ilang commercial explosives na walang permit, na posibleng ginagamit sa blasting.

“Ang mga lumalabag sa batas ay hindi natin palalampasin at mananagot sa kanilang ginawa,” ani PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Pinangunahan ng NBI-NEMRO 10 ang operasyon, katuwang ang Mines and Geosciences Bureau, DENR, at Libona Municipal Police Station. Mahalaga rin ang papel ng PNP Explosive Ordnance Disposal units sa ligtas na pag-clear ng explosives, bilang patunay sa seguridad at proteksyon sa publiko.

Ayon kay PGEN Nartatez, layunin ng PNP Focused Agenda na maging proactive at people-centered ang serbisyong pulisya. “Pinangangalagaan natin ang kaligtasan ng mamamayan at ang ating kalikasan mula sa ilegal na gawain.”

Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tiniyak ng PNP na maipapatupad ang batas at mapapanatili ang kaayusan sa komunidad at kalikasan, alinsunod sa motto: “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”