Arestado ng magkasanib na pwersa ng Cotabato City police Station 2 at ng City Mobile Force Company o CMFC ang isang lalaking may matigas na ulo matapos na makuhanan ito ng baril pasado alauna ng umaga kahapon sa bahagi ng Kalye Mañara, Barangay Rosary Heights 10, lungsod ng Cotabato.

Kinilala ng estasyon dos ang suspek na si Michael Diocolano Sumanday , 35-anyos at naninirahan sa Darapanan, Sultan Kudarat Town Maguindanao del Norte.

Umakto ang kapulisan sa tawag ng isang concerned citizen hinggil sa umano ay serye ng nakawan sa RH-10 na malapit sa tungki ng mismong People’s Palace.

Dahil dito, agad namang rumesponde ang mga kapulisan at dito na tumambad ang suspek na may dalang baril na UZI Caliber .30 na walang serial number, isang magasin at anim na bala

Maliban dito, nabawi rin sa suspek ang isang teleponong ninakaw nito sa tinarget na biktima.

Isasailalim sa drug testing ang suspek dahil sa aniyay pagiging lango din nito sa ipinagbabawal na droga.

Kulong na sa lockup cell ng presinto dos at kakasuhan ng paglabag sa umiiral na COMELEC Gunban o RA 10591 na may kaugnayan dito si Sumanday.