Arestado na at kasalukuyang bantay-sarado ng mga awtoridad ang isang pasyente sa Cotabato Sanitarium Hospital sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, matapos itong sampahan ng mga seryosong kasong kriminal nitong Lunes, Mayo 5, 2025.

Kinilala ang suspek na si Saddam Lumbos, 31-anyos, na gumagamit din ng alyas na Samin Talib Silongan, residente ng Tuka Maror sa Bongo Island, sakop ng bayan ng Parang.

Nasa ospital siya upang ipagamot ang iniindang karamdaman nang salubungin ng mga operatiba ang mga warrant of arrest laban sa kanya.

Batay sa ulat ng Parang Municipal Police Station at ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region, si Lumbos ay may kinakaharap na magkakahiwalay na kaso ng multiple murder, multiple frustrated murder, at double frustrated murder.

Ang mga warrant ay inilabas ng Regional Trial Court Branch 13 sa Cotabato City sa ilalim ni Judge Annabelle Piang, kung saan walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Nagsanib-puwersa ang mga tauhan ng Parang Municipal Police at ng Maguindanao del Norte Provincial Police sa matagumpay na pagsilbi ng mga nasabing warrant.