Umalis na si Pangulong Marcos kasama si First Lady Liza Marcos at ang buong Philippine delegation patungong Canada para sa apat na araw na Official Visit na naglalayong palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Canada sa larangan ng kalakalan, depensa, pamumuhunan, at seguridad.

Ito ang unang opisyal na pagbisita ng isang pangulo ng Pilipinas sa Canada sa nakalipas na sampung taon.

Nakatakdang makikipagpulong si Pang. Marcos kay Canadian Prime Minister Mark Carney upang talakayin ang pagpapalawak ng kooperasyon sa pagmimina, renewable energy, kalakalan, turismo, at iba pang mahahalagang sektor.

Tatalakayin din ng dalawang lider ang mga isyung panrehiyon, kabilang ang West Philippine Sea, Indo-Pacific, at ASEAN, kung saan kinilala ni Marcos ang patuloy na suporta ng Canada sa paninindigan ng Pilipinas sa usapin ng soberanya.

Bahagi rin ng biyahe ang pakikipagpulong ng Pangulo sa mga negosyante upang makahikayat ng mas maraming pamumuhunan sa Pilipinas, lalo na sa sektor ng pagmimina, IT-BPM, telekomunikasyon, cyber technology, nuclear energy, at financial services.

Makikipagkita rin si Marcos sa Filipino community sa Canada, na tinatayang aabot na sa halos isang milyong Pilipino.