Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na tiyakin ang agarang paghahatid ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ayon kay Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr.

Ayon kay Lagdameo, mahigpit na binabantayan ng Pangulo ang sitwasyon sa BARMM at inatasan ang mga concerned agencies na patuloy na magsagawa ng assessment sa mga lugar na binaha upang matukoy ang agarang pangangailangan ng mga residente.

Sinabi ni Lagdameo na prayoridad ng pambansang pamahalaan ang kaligtasan ng mga lumikas na pamilya at ang mabilis na paghahatid ng kinakailangang ayuda sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang Bangsamoro.

Nauna nang kinumpirma ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua na nakikipag-ugnayan siya sa Malacañang hinggil sa kasalukuyang sitwasyon at sa mga posibleng pangangailangan ng rehiyon habang nagpapatuloy ang pagbaha.

Batay sa pinakahuling datos ng Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (Bangsamoro READi), umabot na sa mahigit 44,000 pamilya o tinatayang 220,000 indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan simula Hulyo 8.

Nasa 158 barangay sa Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte at Tawi-Tawi ang naapektuhan, habang halos 2,900 pamilya ang pansamantalang nananatili sa 19 evacuation centers.

Ayon pa sa Bangsamoro READi, pinakamataas ang bilang ng mga naapektuhang pamilya sa Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur, habang kabilang sa pinakamalubhang naapektuhan sa Maguindanao del Norte ang Datu Odin Sinsuat.

Patuloy namang nagsasagawa ng search and rescue at relief operations ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection sa mga apektadong lugar. Suspendido rin ang klase sa ilang lokalidad dahil sa patuloy na pagbaha.

Samantala, sinabi ni Chief Minister Macacua na sapat pa ang pondo ng BARMM para sa nagpapatuloy na relief operations.

Kasabay nito, nagsimula na rin ang pamamahagi ng food packs at iba pang tulong sa ilalim ng SAM-KITS Program sa mga apektadong lugar, kung saan pinangunahan nina Chief Minister Macacua at Member of Parliament Atty. Kitem Kadatuan Jr. ang distribusyon ng ayuda sa bayan ng Parang, Maguindanao del Norte.

Ayon sa Office of the Special Assistant to the President, nananatiling bukas ang koordinasyon sa pagitan ng Malacañang at ng BARMM Government upang matiyak ang maagap na pagtugon at rehabilitasyon sa mga komunidad na naapektuhan ng pagbaha.