Binati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga naiproklamang miyembro ng unang Bangsamoro Parliament kasunod ng makasaysayang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa pahayag ng Pangulo, sinabi niyang mahalagang hakbang ang matagumpay na halalan sa hangarin ng mga Bangsamoro para sa sariling pamamahala at pangmatagalang kapayapaan.

Kasunod ito ng anunsyo tungkol sa 46-member majority coalition na naglalayong bumuo ng Government of the Day sa pamamagitan ng wastong proseso sa Parliament.

Tiniyak ni Marcos na iginagalang ng pambansang pamahalaan ang awtonomiya ng BARMM at ang kapangyarihan ng Parliament na pumili ng sariling pamunuan alinsunod sa Bangsamoro Organic Law.

Ayon sa Pangulo, nakahanda ang national government na makipagtulungan sa pormal na mabubuong pamahalaan upang isulong ang kapayapaan, katatagan at inklusibong kaunlaran sa rehiyon.

Binigyang-diin din niya ang patuloy na suporta ng administrasyon sa isang matatag, nagsasarili at mapayapang Bangsamoro.