Mahigpit na minomonitor ng Philippine Coast Guard o PCG, sa pamamagitan ng Coast Guard District Southern Tagalog, ang naganap na grass fire sa Taal Lake Island. Isinasagawa ito katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), mga concerned Local Government Units, PHIVOLCS, at iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maprotektahan ang kalikasan.

Matapos matanggap ang ulat hinggil sa insidente, agad na nag-deploy ang PCG ng mga maritime patrol assets para sa tuloy-tuloy na pagbabantay sa paligid ng isla. Layunin ng mga pagbabantay na ito na matiyak na walang indibidwal, sasakyang-dagat, o hindi awtorisadong tao ang lalapit sa lugar, dahil sa posibleng panganib dulot ng aktibidad ng bulkan at limitadong visibility sanhi ng usok.

Bilang bahagi ng pag-iingat, hindi muna magsasagawa ng fire suppression operations upang maiwasang malagay sa panganib ang mga responder.

Sa kasalukuyan, wala namang naitatalang nasugatan o nasawi sa insidente.

Patuloy ang masusing koordinasyon ng PCG at iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan sa karagatan at ang maagap na pagpapalabas ng mga babala at abiso. Mahigpit na pinapayuhan ang mga mangingisda at ang publiko na sumunod sa lahat ng safety advisories at iwasan muna ang paligid ng Taal Lake Island hanggang sa susunod na abiso.

Tiniyak ng Philippine Coast Guard ang patuloy nitong pangako sa pagprotekta sa buhay, kalikasan, at sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya sa panahon ng mga ganitong insidente.