Nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) BARMM, Maguindanao Maritime Police Station, at Police Station 4 ng Cotabato City Police Office, na nagresulta sa pagsira ng isang drug den at pagkaka-aresto ng mga personalidad na sangkot sa droga, kabilang na ang dalawang tao mula sa Regional Target List.

Ang operasyon ay isinagawa sa paligid ng Barangay Bagua, Cotabato City noong Abril 30, 2025.

Ayon kay Director Gil Cesario P. Castro, ang mga naarestong suspek ay kinilalang si Alyas Omar, 51 taong gulang, lalaki, at si Alyas Pay, 44 taong gulang, babae.

Pareho silang kabilang sa Regional Target List at inaakusahan bilang mga nagpapatakbo ng drug den. Kasama nilang inaresto si Alyas Ali, 23 taong gulang, lalaki.

Nakuha mula sa mga suspek ang 21 piraso ng mga heat-sealed na transparent plastic sachets ng Shabu na may kabuuang timbang na 8 gramo, at may tinatayang halaga na Php 54,400.00.

Kasama rin sa mga narekober ang buy-bust money, mga dokumento ng pananalapi, iba’t ibang drug paraphernalia, mga ID, at dalawang (2) units ng mobile phones na pinaniniwalaang ginagamit sa kanilang iligal na negosyo ng droga.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nakakulong sa PDEA BARMM Jail Facility at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.