‎Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na ang sunod-sunod na lindol na nararanasan sa Cotabato City at mga karatig-lugar sa Sultan Kudarat ay bahagi ng tinatawag na earthquake swarm na nagmumula sa Cotabato Trench.

‎Ayon kay PHIVOLCS Officer-in-Charge Engineer Rainier Abilbahar sa naging exclusive interview ng Star FM Cotabato, ang earthquake swarm ay serye ng mga lindol na nagaganap sa loob ng maikling panahon, na may lakas na mula magnitude 1.5 hanggang 5.9. Karamihan sa mga pagyanig ay naitala sa bahagi ng Kalamansig at Palimbang sa Sultan Kudarat, na nararamdaman din sa Cotabato City.

‎Sinabi ng PHIVOLCS na umabot na sa libo-libong pagyanig ang kanilang na-monitor, bagamat wala pang naitatalang malubhang pinsala o ground rupture. Nilinaw rin ng ahensya na hindi nila kayang i-predict kung ang earthquake swarm ay hihina na o maaaring mauwi sa mas malakas na lindol.

‎Nagpaalala ang PHIVOLCS sa publiko na manatiling alerto, tiyakin ang kaligtasan ng mga tahanan, at iwasan ang mga lugar na delikado lalo na sa oras ng malalakas na pagyanig. Pinayuhan din ang mga residente sa tabing-dagat na agad lumikas kapag nakaranas ng malakas na lindol dahil sa posibilidad ng tsunami.