Nasawi ang isang hinihinalang drug suspect matapos mauwi sa engkuwentro ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kahapon Abril 21, 2026.

Ayon sa ulat, matagumpay na nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency–BARMM (PDEA-BARMM), katuwang ang Philippine National Police (PNP) at ang 33rd Infantry Battalion, ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P340,000 sa Barangay Simsiman, Pahamudin.

Kinilala ang nasawing suspek sa alyas na “Nhadz,” 28 taong gulang, residente ng Barangay Benasing, Pigcawayan, North Cotabato. Ayon sa mga awtoridad, sangkot umano ito sa bentahan ng ilegal na droga sa mga karatig-lugar ng SGA, Maguindanao del Norte, at maging sa North Cotabato.

Sa gitna ng transaksyon, nakatunog umano ang suspek na mga operatiba ng anti-drug agency ang kanyang ka-deal, dahilan upang manlaban ito at paputukan ang mga awtoridad. Gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa pagkakasugat ng suspek.

Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital si “Nhadz” ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Bukod sa ilegal na droga, narekober din sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .45 na baril na may mga bala, mga basyo ng bala, isang mobile phone, buy-bust money, at lisensya sa pagmamaneho ng suspek.

Muling iginiit ng PDEA-BARMM ang kanilang puspusang kampanya laban sa ilegal na droga at nanawagan sa publiko na manatiling mapagmatyag at makiisa sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad.