Dalawang katao ang nasawi habang isa pa ang sugatan matapos ratratin ng mga armadong suspek ang isang puting pickup truck sa Purok Santan, Poblacion 8, Midsayap kahapon May 11.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakipagkita umano ang mga biktima sa ilang hindi pa nakikilalang indibidwal para sa umano’y bentahan ng ginto o alahas, na naayos sa tulong ng mga middleman mula sa Malabang, Lanao del Sur.
Gayunman, nauwi sa karahasan ang umano’y transaksyon matapos bigla na lamang magpaputok ang isa sa mga suspek laban sa mga biktima bago mabilis na tumakas tangay ang pera at mga alahas.
Dead-on-arrival sa ospital sina Datu Bhots Aguilar Gainal, 54-anyos, at Mohammad Salilama Tula, 43-anyos, na kapwa residente ng Cotabato City.
Samantala, sugatan naman si Guiamad Ferdausy, 32-anyos, residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos magtamo ng tama ng bala.
Ligtas naman ang 17-anyos na anak ni Gainal na kasama rin sa sasakyan nang mangyari ang insidente.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga responsable.
















