Matagumpay na nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army at Philippine National Police ang malaking bulto ng mga armas na iniuugnay sa New People’s Army (NPA) sa isang serye ng intelligence-driven operations noong ika-16 at ika-17 ng Disyembre sa Barangay Exciban, Labo, Camarines Norte.

Ang operasyon ay pinangunahan ng 42nd Infantry Battalion ng 9th Infantry Division, katuwang ang 16th Infantry Battalion at mga operatiba ng PNP. Sa isinagawang pagsalakay, nakarekober ang tropa ng kabuuang 45 high-powered firearms, kabilang ang mga M14, M16, at M653 rifles, pati na rin ang libo-libong bala at mga magazine.

Ayon kay Maj. Gen. Aldwine I. Almase, commander ng 9th Infantry Division, malinaw na ipinapakita ng nasabing tagumpay ang maayos na koordinasyon ng militar at pulisya, gayundin ang patuloy na paghina ng kakayahan ng CPP-NPA na magsagawa ng armadong aktibidad sa rehiyon.

Nanawagan ang pamunuan ng 9ID sa mga natitirang kasapi ng NPA na piliin ang landas ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagsuko at pakikilahok sa mga programang iniaalok ng pamahalaan. Tiniyak din ng militar ang pagpapatuloy ng kanilang mga operasyon upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.