Hinihintay pa ng Philippine National Police (PNP) ang court order para aksyunan ang warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, susundin ng PNP ang mga umiiral na batas at lehitimong direktiba kaugnay sa napaulat na kumpirmadong arrest warrant ng ICC.

Sakali man aniya na maglabas ng court order, ipatutupad ng pambansang pulisya ang kaukulang “contingency plans” at kaukulang operational measures alinsunod sa tamang proseso at protocols.

Ito ay sa pakikipagtulungan umano sa National Central Bureau ng International Criminal Police Organization, kung saan iniisyu ng ICC ang arrest warrants o sa Philippine Center for Transnational Crime, na counterpart ng Interpol sa Pilipinas at sa concerned authorities.

Samantala, dumipensa naman si PNP Chief Gen.Jose Melencio Nartatez Jr sa deployment ng pulisya sa paligid ng senado.

Aniya, ang presensiya ng kapulisan sa Senado ay isang proaktibong security measure para matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng institusyon.