Isinagawa ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng Civil Security Group (CSG) ang isang maayos at sistematikong proseso ng firearms safekeeping sa Davao City noong Hunyo 11, 2026.
Pinangunahan ng Regional Civil Security Unit 11 ang aktibidad bilang bahagi ng implementasyon ng Notice and Order of Revocation ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at firearm registrations. Kabilang sa proseso ang inventory, beripikasyon ng serial numbers, at pisikal na inspeksyon ng mga baril bago ang boluntaryong pagsuko para sa safekeeping.
Kabilang sa isinailalim sa turnover ang mga armas mula sa tirahan na kaugnay ni Senator Ronald M. Dela Rosa sa Barangay Maa, Davao City, sa pamamagitan ng kanyang authorized legal representative, sa koordinasyon ng RCSU 11. Ayon sa ulat, naging maayos at sistematiko ang proseso at kumpleto ang dokumentasyon.
Nasa kabuuang dalawampung (20) mga baril ang naitala, na maayos na na-verify at nabigyan ng kaukulang acknowledgment receipts bago inilipat sa tanggapan ng RCSU 11 sa Camp Sgt. Quintin M. Merecido, Buhangin, Davao City. Dito na ito ngayon nasa opisyal na pangangalaga para sa safekeeping alinsunod sa patakaran ng PNP.
Giit ng PNP, ipinapakita ng naturang hakbang ang balanseng pagpapatupad ng batas—mahigpit sa regulasyon ngunit may paggalang sa due process, transparency, at tamang koordinasyon sa mga stakeholder.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalaga ang maayos at propesyonal na pagpapatupad ng mga polisiya upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa institusyon.
Binigyang-diin din ng PNP na patuloy nitong pinapalakas ang mga internal na sistema upang matiyak ang integridad at pagkakapare-pareho ng pagpapatupad ng mga batas ukol sa baril sa buong bansa.
Bahagi rin ito ng mas pinalakas na adyenda ng PNP para sa mas disiplinado, episyente, at accountable na operasyon, alinsunod sa direksyon ng administrasyong Marcos Jr. para sa mas matibay na public safety at security.

















