Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na impormasyon kaugnay ng umano’y pagpapatupad ng gun ban sa buong bansa para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Lunes, Hulyo 27.

Sa isang statement, nilinaw ng pambansang pulisya na walang nationwide gun ban ang ipinatupad sa nalalapit na SONA.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., walang iniisyung direktiba ang PNP sa pagpapatupad ng gun ban sa bansa para sa naturang event, bagamat nananatili aniyang epektibo ang mga batas, lokal na ordinansa at inilatag na security protocols.

Bilang parte naman ng paghahanda sa seguridad ng SONA, istriktong ipatutupad ng pulisya ang mga paghihigpit sa pagdadala ng mga baril at iba pang deadly weapons sa designated security areas at iba pang mga lugar.

Kaugnay nito, hinihimok ng PNP chief ang publiko na sumangguni lamang sa mga impormasyong inilalabas sa kanilang official communication channels at iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong post na maaaring magdulot ng kalituhan.

Tiniyak naman ng heneral na mananatiling committed ang PNP sa pag-sigurong ligtas, maayos at mapayapa ang pagsasagawa ng ikalimang ulat sa bayan ng pangulo kaalinsabay ng paggalang sa mga karapatan ng publiko.