Inalis sa puwesto at inilagay sa restrictive custody ang isang babaeng pulis na iniuugnay sa pagkakasabat ng 521 kilo ng hinihinalang shabu sa Laos.

Ayon sa Philippine National Police o PNP, epektibo ang mga hakbang na ito simula Oktubre 13, 2026, habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.

Nakikipagtulungan ang PNP sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at iba pang kinauukulang ahensya upang matukoy ang mga posibleng sangkot at ang lawak ng umano’y partisipasyon ng pulis sa naturang shipment.

Binigyang-diin ng PNP na hindi nito kukunsintihin ang sinumang tauhang mapatutunayang sangkot sa ilegal na droga.

Sakaling mapatunayan ang pagkakasangkot ng opisyal, haharap ito sa kaukulang kasong kriminal at administratibo alinsunod sa batas.

Gayunman, iginiit ng PNP na susundin ang due process at ibabatay sa ebidensya ang anumang konklusyon sa kasalukuyang imbestigasyon.