Inaasahan ang pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng South Cotabato, Sultan Kudarat at Maguindanao del Sur ngayong Linggo, Setyembre 6, 2026.

Ayon sa abiso, isasagawa ang power interruption mula 12:30 ng tanghali hanggang 1:00 ng hapon, at muli mula 5:00 hanggang 5:30 ng hapon.

Apektado rito ang ilang lugar na sakop ng SOCOTECO I, kabilang ang Morales, San Roque, KCC Mall, Mall of Ace at San Isidro Substations.

Isasagawa ang preventive maintenance ng Power Transformer No. 3 sa NGCP Tacurong Substation, na dahilan ng pansamantalang pagkawala ng kuryente.

Ayon sa abiso, kinakailangan ang load transfer bago at matapos ang maintenance activities.

Maaari ring ipatupad ang boluntaryong load curtailment mula ala-una ng hapon hanggang alas-singko ng hapon upang maiwasan ang overloading ng Power Transformer No. 4 na pansamantalang sasalo sa karagdagang load.

Samantala, sinabi ng NGCP na gagawin nito ang lahat ng paraan upang maibalik ang suplay ng kuryente nang mas maaga o alinsunod sa itinakdang iskedyul.