Magpapatupad ng panibagong oil price hike ang mga kumpanya ng langis simula ngayong araw, Mayo 5, 2026.
Aabot sa P2.21 kada litro ang itataas sa presyo ng gasolina, habang P2.66 naman ang dagdag sa diesel. Samantala, bababa ng P3.53 kada litro ang presyo ng kerosene.
Ayon kay Energy official Sharon Garin, inaasahan na ang paggalaw ng presyo ngayong linggo dahil sa paghina ng piso, na umabot sa record low na P61.75 kontra dolyar kamakailan.
Dahil dito, mas nagiging mahal ang pag-angkat ng langis sa bansa.
Sa kabila nito, tiniyak ng Department of Energy na may sapat na suplay ng langis ang Pilipinas na tatagal ng humigit-kumulang 53.7 araw.
Matatandaang noong nakaraang linggo, bahagyang tumaas ang presyo ng gasolina, habang malaki naman ang ibinaba ng diesel at kerosene.

















