PRO BAR, MILF-AHJAG nagpulong para palakasin ang koordinasyon sa kapayapaan sa BARMM

Mas pinagtibay pa ang koordinasyon para sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon matapos magsagawa ng courtesy call at coordination meeting ang Moro Islamic Liberation Front–Ad Hoc Joint Action Group (MILF-AHJAG) at mga opisyal ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region.

Pinangunahan ni Christopher M. Abecia, Acting Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, ang pagtanggap sa delegasyon ng MILF-AHJAG na pinamunuan ni Anwar S. Alamada noong Mayo 25, 2026 sa Camp BGen Salipada K. Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte.

Sinundan ito ng coordination meeting kasama ang Government of the Philippines–Ad Hoc Joint Action Group (GPH-AHJAG) na pinangunahan ni Jemuel F. Siason, kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng ugnayan at pagtutulungan sa usapin ng seguridad at kapayapaan.

Ayon sa PRO BAR, layunin ng pagpupulong na higit pang pagtibayin ang ugnayan ng mga peace mechanisms ng pamahalaan at MILF upang mapanatili ang kapayapaan, mapaigting ang security coordination, at maisulong ang katatagan at kaunlaran sa rehiyon ng Bangsamoro at iba pang komunidad ng MILF.

Binigyang-diin din sa pagpupulong ang patuloy na pagtutulungan ng magkabilang panig para sa pagpapanatili ng mapayapa at ligtas na komunidad sa BARMM.