Tinapos ng Bangsamoro Justice System Committee noong Sabado, Enero 31, ang masusing line-by-line review sa panukalang batas na naglalayong magbigay ng proteksyon sa mga human rights defenders sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang panukala, na kilala bilang BTA Bill No. 66, ay binubuo ng 52 seksyon at naglalayong gawing institusyonal ang proteksyon at suporta sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao bilang bahagi ng post-conflict peacebuilding, state-building, at pagsusulong ng pananagutan at mga batayang kalayaan.
Ayon kay Committee Chairperson Suharto Ambolodto, ang bersyon ng panukalang batas na inaprubahan ng komite ay isasailalim pa sa malawakang public consultation.
Kabilang sa inaasahang makikilahok sa konsultasyon ang mga human rights organizations, legal experts, at iba pang mahahalagang sektor bago ito isulong para sa susunod na hakbang sa lehislatura.
Iginiit naman ng mga mambabatas na ang pagtatatag ng BARMM sa ilalim ng proseso ng kapayapaan ay nagbibigay ng natatanging pagkakataon upang higit pang palakasin ang proteksyon sa karapatang pantao at matiyak na malayang makapagtaguyod ng hustisya at pananagutan ang civil society.
Napagkasunduan din ng komite ang pakikipag-ugnayan sa Bangsamoro Attorney General’s Office at sa Policy Research and Legal Services upang muling suriin ang mga probisyong may kaugnayan sa parusa sa nasabing panukala.
Pinamumunuan ni MP Alirakim Munder ang technical working group (TWG) ng panukalang batas, na nanguna sa pagtugon sa mga isyung lumitaw sa mga naunang deliberasyon.
Samantala, itinalaga si MP Mohammad Nadzir Ebil bilang tagapangulo ng Ulama consultative group na magbibigay ng Islamic perspective sa panukala.
Sa hiwalay na usapin, si Deputy Floor Leader Rasol Mitmug Jr. naman ang itinalagang manguna sa technical working group para sa panukalang lilikha ng Bangsamoro Shariah Judicial and Legal Academy.

















