Agad na nagsagawa ng clearing operation ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Cotabato City sa Purok Lagundungan, Barangay Kalanganan 2 matapos matumba ang isang puno dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at paminsan-minsang malalakas na hangin na dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Cotabato Light and Power Company (CLPC) at sa Barangay Local Government Unit ng Barangay Kalanganan 2 upang ligtas na maalis ang natumbang puno, maibalik ang maayos na daloy ng trapiko, at maiwasan ang posibleng panganib sa mga motorista, pedestrian, at mga residente sa lugar.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng CDRRMO ang publiko na manatiling mapagmatyag at iwasang lumapit sa mga natumbang puno, nakatagilid na poste ng kuryente, at mga naputol na linya ng kuryente.
Hinikayat din ang mga residente na agad iulat sa mga kinauukulang awtoridad ang anumang insidente at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather advisories habang nagpapatuloy ang epekto ng Habagat sa ilang bahagi ng lungsod.
















