Patay ang punong barangay ng Barangay Dados, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Purok Masidnayahon, Barangay Saliao, Esperanza, Sultan Kudarat, dakong alas-10 ng umaga kahapon Oktubre 11, 2026.
Kinilala ang biktima na si Datu Manalao Mangelen Nur, Sr., 70-anyos, na pauwi na umano nang lapitan at pagbabarilin ng suspek na sakay ng isang Skygo motorcycle at nakasuot ng asul na jacket.
Agad na isinugod sa ospital si Nur, subalit hindi na ito nakaligtas.
Kasunod ng insidente, mariing kinondena ng Lokal na Pamahalaan ng Datu Odin Sinsuat, sa pangunguna ni Mayor Abdulmain Baba Abas, ang pagkamatay ng opisyal at nanawagan sa mga kinauukulang awtoridad na magsagawa ng mabilis at masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable at mabigyan ng hustisya ang biktima.
Hinimok din ng lokal na pamahalaan ang publiko na iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring makasagabal sa imbestigasyon at magdulot ng pangamba sa komunidad.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang LGU sa pamilya, mga mahal sa buhay, at mga kasamahan ng nasawing punong barangay, kasabay ng panawagang panagutin ang mga responsable alinsunod sa batas.
Patuloy ang imbestigasyon at hot pursuit operation ng pulisya upang matukoy at maaresto ang suspek.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng pamamaril.

















