Arestado ang iIsang 32-anyos na registered nurse sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2 (PDEA RO2) sa Brgy. Carig Sur, Tuguegarao City, Cagayan noong hapon ng Hunyo 17.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na “Eloy,” residente ng Abulug, Cagayan.
Ayon sa PDEA RO2, pinangunahan ng mga operatiba mula sa Batanes Provincial Office at Regional Special Enforcement Team (RSET) ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek bandang alas-2:50 ng hapon.
Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na limang gramo at standard market value na P34,000. Narekober din sa kanya ang isang transparent glass pipe, buy-bust money, at isang cellular phone.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 o pagbebenta ng iligal na droga at Section 11 o pag-iingat ng iligal na droga sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PDEA RO2 Regional Director Gil Cesario P. Castro ang mga operatibang nagsagawa ng operasyon. Binigyang-diin niya na ang pagkakaaresto sa mga sangkot sa iligal na droga, anuman ang kanilang propesyon, ay patunay ng patuloy na pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na droga.
Muli ring hinikayat ng PDEA RO2 ang publiko na maging mapagmatyag at makiisa sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

















