Patuloy ang isinasagawang rescue at evacuation operations ng mga awtoridad sa Ampatuan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha dulot ng patuloy na pag-ulan.

Sa pangunguna ni Mayor Datu Rasul Sangki at sa koordinasyon ni MDRRM Officer Rhea Tiemsem-Martin, sama-samang kumikilos ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Ampatuan, Philippine National Police (PNP) Ampatuan, Charlie Coy, 90th Infantry Battalion (90IB), at Bureau of Fire Protection (BFP) Ampatuan Station upang magsagawa ng agarang paglikas at pagsagip sa mga residente sa mga lugar na binaha.

Gumagamit ang mga rescue team ng mga bangka upang marating ang mga komunidad na hindi na madaanan ng mga sasakyan dahil sa mataas na tubig. Tinututukan din ng mga responder ang ligtas at maayos na paglikas ng mga pamilya patungo sa mga itinakdang evacuation center.

Patuloy namang hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na sumunod sa mga abiso upang maiwasan ang anumang panganib habang nagpapatuloy ang masamang panahon.

Ayon sa pamahalaang lokal, ang sama-samang pagkilos ng iba’t ibang ahensya ay mahalaga upang mapangalagaan ang buhay at kaligtasan ng bawat mamamayan sa gitna ng kalamidad.

Patuloy ang monitoring at rescue operations ng mga kinauukulang ahensya hanggang sa matiyak na ligtas ang lahat ng mga residenteng apektado ng pagbaha.