Nasawi ang isang 36-anyos na rider sa Midsayap, North Cotabato matapos paulit-ulit na masagasaan at makaladkad sa kalsada.
Sa kuha ng CCTV, nawalan ng kontrol ang biktima matapos banggain ang isang asong biglang tumawid, na naging sanhi ng kanyang pagkatumba.
Sa kasamaang palad, hindi napansin ng ilang sumusunod na motorsiklo ang nakahandusay na rider, kaya siya ay nasagasaan nang paulit-ulit.
Kaugnay nito, nagpaalala ang PNP sa mga motorista na iwasan ang pagmamaneho nang mabilis upang magkaroon ng sapat na oras na makapreno at maiwasan ang trahedya.
Inaalam din ng pulisya ang kondisyon ng kalsada, partikular ang kakulangan sa ilaw at signages, at nakikipag-ugnayan sa LGU at DPWH para sa agarang solusyon.
Bagama’t may usapan sa pananagutan, ipinahayag ng PNP na wala umanong planong maghain ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa mga nakasagasa.
Muling nanawagan ang mga awtoridad sa mga may-ari ng alagang hayop na huwag hayaang gumala ang mga ito sa kalsada upang maiwasan ang kaparehong insidente.

















