Naayos na ang isang rido sa Buldon, Maguindanao del Norte matapos magkasundo ang magkabilang panig sa pamamagitan ng mapayapang pag-uusap kamakailan.

Isinagawa ang settlement sa pakikipagtulungan ng Ministry of Public Order and Safety o MPOS-BARMM at mga lokal na peace partner upang matulungan ang magkabilang panig na maresolba ang kanilang hindi pagkakaunawaan.

Bilang bahagi ng proseso, kapwa lumagda ang dalawang panig sa isang kasunduan bilang pagpapakita ng kanilang pagkakasundo na tapusin ang alitan at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.

Nakiisa rin sa settlement ang Local Government Unit of Buldon, kasama ang mga opisyal ng munisipyo, miyembro ng Sangguniang Bayan, community leaders, traditional at religious leaders, at mga kasapi ng ADRR Local Mediators.

Ayon kay Acting Community Affairs Officer III Harrez U. Silongan ng MPOS-BARMM para sa Maguindanao del Norte, mahalaga ang patuloy na koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan, mediator, lider-tradisyonal at relihiyoso, at iba pang peace actors upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan at seguridad sa Bangsamoro.

Patuloy namang susuportahan ng MPOS ang mga hakbang upang mapanatili ang kasunduang nabuo at maiwasang muling sumiklab ang alitan sa lugar.