Pinangunahan ni Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao ang pormal na pagbubukas ng Cotabato City Traffic Summit 2025 na ginanap sa People’s Palace Gymnasium, sa temang “Ayos Trapiko, Asenso Cotabato.”
Layunin ng nasabing pagtitipon na pag-ibayuhin ang koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan, mga transport groups, at iba’t ibang sektor upang matugunan ang lumalalang problema sa daloy ng trapiko sa lungsod.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Matabalao na ang isyu ng trapiko ay hindi lamang simpleng usapin ng paggalaw ng mga sasakyan kundi isang mas malalim na hamon na may kinalaman sa disiplina ng mamamayan, tamang urban planning, at kolektibong partisipasyon ng komunidad. Ipinahayag din niya ang buong suporta ng kanyang administrasyon sa mga programa ng Cotabato City Traffic and Transport Management Council (CTTMC) upang maayos ang sistema ng trapiko at mapangalagaan ang kaligtasan ng mga motorista at pedestrian.
Dumalo rin sa unang araw ng summit sina Vice Mayor Sultan Johair Madag, mga miyembro ng 18th Sangguniang Panlungsod, at mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod. Kabilang din sa mga lumahok ang mga jeepney at tricycle operators, transport groups, barangay officials, negosyante, at iba pang stakeholders na aktibong nakibahagi sa talakayan at nagbahagi ng kanilang obserbasyon at suhestiyon sa open forum.
Ibinahagi naman ni CTTMC Chief Moin Nul ang kasalukuyang sitwasyon ng trapiko sa Cotabato City, kabilang ang mga hamon sa road congestion, kakulangan sa parking areas, at disiplina sa kalsada. Ipinresenta rin niya ang mga iminungkahing hakbang tulad ng pagpapalakas ng traffic enforcement, paglalagay ng karagdagang traffic signages, at modernisasyon ng public transport system upang maging mas episyente ang daloy ng mga sasakyan.
Sa pagtatapos ng unang araw ng pagtitipon, pinasalamatan ni Mayor Matabalao ang lahat ng kalahok sa kanilang kooperasyon at dedikasyon. Muling ipinahayag ng alkalde ang hangarin ng lokal na pamahalaan na maisulong ang isang mas ligtas at maayos na sistema ng transportasyon sa Cotabato City.
Ayon kay Mayor Matabalao, “Ang disiplina sa kalsada ay hindi lamang tungkulin ng iilan, kundi responsibilidad nating lahat. Kapag nagkaisa tayo, mas mabilis nating mararating ang maunlad at maayos na Cotabato City.”
Ang Cotabato City Traffic Summit 2025 ay isa sa mga pangunahing inisyatibo ng administrasyon ni Mayor Matabalao sa ilalim ng kanyang adbokasiyang “Para sa Lahat, Aksyon ang Solusyon.”