Nagpatupad ng mas pinaigting na seguridad ang 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army sa ilang paaralan sa Midsayap, Cotabato kasunod ng pagkalat ng isang social media post na naglalaman ng umano’y pagbabanta.
Bilang bahagi ng hakbang, nagtalaga ang militar ng mga sundalo sa iba’t ibang paaralan upang mabantayan ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani habang nagpapatuloy ang beripikasyon sa naturang banta.
Ayon sa pamunuan ng 33rd Infantry Battalion, hindi nila isinasantabi ang anumang ulat na maaaring magdulot ng panganib, kaya agad silang nagsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang seguridad ng publiko.
Batay sa mga ulat, nagmula ang pagbabanta sa isang social media account na gumagamit ng pangalang “Yah Ilah Amir,” kung saan binanggit ang ilang paaralan sa Midsayap, kabilang ang Notre Dame of Midsayap College, Southern Christian College, St. Jude College of Science and Technology, Dilangalen National High School, at iba pang institusyon.
Samantala, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa social media, iwasang magbahagi ng hindi pa kumpirmadong ulat, at agad na ipagbigay-alam sa pulisya o kinauukulang ahensya ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang makatulong sa isinasagawang imbestigasyon at mapigilan ang pagkalat ng maling impormasyon.

















