Nagbabala ang Cotabato Light sa mga konsyumer na posibleng tumaas ang singil sa kuryente sa mga susunod na billing cycle dahil sa pagtaas ng generation at transmission costs sa Mindanao grid.

Sa inilabas na pahayag ng kumpanya, matapos ang pansamantalang pagbaba ng generation charge sa nakaraang billing period, inaasahan ngayon ang dagdag-singil na humigit-kumulang P0.45 hanggang P1.03 kada kilowatt-hour (kWh)na maaaring maramdaman mula huling bahagi ng Hulyo hanggang Disyembre 2026.

Ayon sa Cotabato Light, kabilang sa mga dahilan ng inaasahang pagtaas ng singil ang volatility ng Mindanao at Visayas power grid, pagtaas ng presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), ancillary service charges ng NGCP, at iba pang transmission costs.

Gayunman, tiniyak ng kumpanya na nagsasagawa ito ng iba’t ibang hakbang upang mabawasan ang epekto sa mga konsyumer, kabilang ang fixed-rate power contracts, pakikipag-ugnayan sa malalaking customer sa ilalim ng Interruptible Load Program (ILP), at paghiling sa Energy Regulatory Commission (ERC) na payagan ang staggered o ipinagpalibang paniningil ng dagdag na gastos.

Hinikayat din ng Cotabato Light ang publiko na kung maaari ay ilipat ang paggamit ng mga high-consumption appliances sa labas ng peak hours o alas-5:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi upang makatulong sa pamamahala ng kanilang konsumo at bayarin.