Matagumpay na sinalubong ng Police Regional Office 9 ang taong 2026 matapos masabat ang isang motorized boat na kargado ng pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo sa unang linggo ng Enero.
Bandang alas-2:35 ng madaling araw noong Enero 6, nagsagawa ng joint seaborne patrol ang mga operatiba ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company, katuwang ang Regional Maritime Unit 9, Regional Special Operations Unit, 904th Regional Mobile Force Battalion 9 at Zamboanga City Police Station 4 sa katubigan ng Manalipa Island, Culianan, Zamboanga City.
Sa operasyon, namataan at nasabat ang isang bangkang de-motor na lokal na tinatawag na “jungkung” na sinasakyan ng tatlong tripulante. Nadiskubre sa loob nito ang mga undocumented na sigarilyo na hinihinalang ipinuslit sa bansa.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang 137 master cases ng San Marino at 195 master cases ng Platinum cigarettes, na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱21.2 milyon sa merkado.
Dinala sa Zamboanga City Police Station 4 ang tatlong tripulante para sa wastong dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon, habang ang mga nasamsam na sigarilyo ay itinurn-over sa 2nd ZCMFC para sa tamang disposisyon alinsunod sa umiiral na batas at pamamaraan.
Ayon kay Police Brigadier General Edwin A. Quilates, Regional Director ng PRO 9, patunay ang matagumpay na operasyon ng matatag at maagap na seguridad ng kapulisan sa pagsisimula pa lamang ng taon. Binigyang-diin niya na patuloy nilang paiigtingin ang mga seaborne patrol at palalakasin ang koordinasyon ng iba’t ibang yunit upang mapigilan ang smuggling, maprotektahan ang komunidad, at mapangalagaan ang kita ng pamahalaan.

















