‎Nanawagan si BARMM Parliament Speaker Mohammad S. Yacob sa publiko na pairalin ang kapayapaan, pagkakaisa, at respeto sa batas sa gitna ng mga nakatakdang pagtitipon at mga pampublikong pagpapahayag ng saloobin sa Bangsamoro region.

‎Sa kaniyang public statement, kinilala ni Yacob ang karapatan ng bawat indibidwal at grupo na magsagawa ng mapayapang pagtitipon alinsunod sa Saligang Batas ng Pilipinas.

‎Gayunman, hinimok nito ang lahat na gamitin ang nasabing kalayaan nang may pananagutan, kahinahunan, at paggalang sa kapakanan ng mamamayang Bangsamoro.

‎Nagbabala rin ang opisyal laban sa anumang uri ng karahasan, provocation, at pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng tensyon at pagkakahati-hati sa rehiyon.

‎Ayon kay Yacob, mahalagang mapanatili ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng mga pagtitipon habang iginagalang ang rule of law at mutual respect ng bawat sektor.

‎Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mga nakamit ng peace process sa Bangsamoro sa pamamagitan ng patuloy na pagsusulong ng dayalogo, kooperasyon, at pagkakaisa.

‎Samantala, nanawagan ang Speaker sa mamamayan na gamitin ang kanilang demokratikong karapatan sa paraang magpapalakas sa kapayapaan, pagkakaisa, at pagkakaunawaan sa Bangsamoro at sa buong bansa.